Tagalog Poems

Pages

Dahil sa Kasalanan

Friday, October 28, 2011


Dahil sa Kasalanan
Isinulat ni Lawrence R. Gonzales
Created: October 27, 2011 - Revised: September 15, 2020

Dahil sa aking kasalanan
Lagi kitang iniiwasan
Madalas kitang talikuran
Muntik na kitang kalimutan.

Dahil nais ko ay kaligtasan
Patawad sa aking alinlangan
Kamay ko ay iyong hawakan
Huwag mo akong bitawan.

Ilayo mo ako sa kapahamakan
Pati na rin sa kaguluhan
May dala itong kabigatan
Ang damdamin ay pahihirapan.

Dumanas man ng kabiguan
At labis na kalungkutan
Nalubog man sa kahirapan
Ikaw parin ay pasasalamatan.

Sa gitna ng kadiliman
Lumulutang isipan, hindi ko malaman
Ang landas na patutunguhan
Ikaw Hesus ang aking kailangan

Ako'y iyong samahan
Saan man ako magdaan
Lagi mo akong gabayan
At iyong ingatan.

Ang landas ng kabutihan
Na ikaw ang may alam
Baguhin ako at turuan
Patungo sa iyong kaharian.

Paalam Tatay

Sunday, October 16, 2011



Paalam Tatay
Isinulat ni. Lawrence R. Gonzales
October 15, 2011 

Ang mahal kong tatay
Isang linggo ika'y nakaratay
Aking dalangin huwag sanang humimlay
Laging nagdarasal na ika'y magkamalay.

Ang mga tao sa bahay
Pagbabalik mo ay hinihintay
Mga nagmamahal pati kapit-bahay
Pinagdarasal nila ang iyong buhay.

Ang iyong anak ay naglalambing
Pakiusap huwag ka sanang mahimbing
Manatili ka sana, Ang tangi kong hiling
Nais kong makita ka na ika'y gising.

Subalit hindi ko inaasahan
Sa piling ko ikaw ay lilisan
Tunay ngang buhay ng tao, may katapusan
Hinding-hindi kita malilimutan.

Habang ika'y narito sa himlayan
Asahan mong lagi, ika'y babantayan
Pagkat pagmamahal ko'y walang hangganan
Tulad ng kalawakan, walang katapusan.

Sa iyong paglisan, mayroong kalungkutan
Ngunit kapalit nito'y iyong kapayapaan
Ngayo'y natagpuan tunay na katahimikan
Doon sa langit na may kalayaan.

Ika'y ihahatid sa huling hantungan
Sa huling pagkakataon, ika'y masilayan
Kaya't ngayong gabi, ika'y sasamahan
Sama-sama kami, hindi ka tutulugan.

Followers

 

Donate Now

Gcash# 09560993325

Search This Blog

Tagalog Poems

Ads 200x200

Ads 200x200