Ang Tula ay isang anyo ng panitikan na nagpapahayag ng damdamin ng isang tao. Ito ay binubuo ng mga saknong at ang mga saknong ay binubuo ng mga taludtud.
Ito ay may sukat at tugma o malaya man ay nararapat magtaglay ng magandang diwa at sining ng kariktan.
Sinasabing may magandang diwa ang isang tula kung may makukuhang magandang halimbawa ditto. May sining ng kariktan naman kung ang mga pananalitang ginamit ay piling-pili at naaayon sa mabuting panlasa.
Mga Uri ng Tula
1. Tulang Liriko o Tulang Damdamin (lyric poetry) – Ito ay nagtataglay ng mga karanasan, kaisipan, guniguni, pangarap at iba’t-ibang damdaming maaaring madama ng may-akda o ng ibang tao. Ito ay maikli at payak.
Uri ng Tulang Liriko
Awit – Ang karaniwang pinapaksa nito ay may kinalaman sa pag-ibig, kabiguan, kalungkutan, pag-asa, pangamba, poot at kaligayahan.
Soneto – Nagtataglay ito ng mga aral ng buhay, may labing apat na taludtod; ang nilalaman ay tungkol sa damdamin at kaisipan at may malinaw na kabatiran sa likas na pagkatao.
Oda – Ito ay pumupuri sa sa mga pambihirang nagawa ng isang tao o grupo ng mga tao, masigla ang nilalaman at walang katiyakan ang bilang ng mga pantig sa bawat taludtod.
Elehiya – Ito ay tulang may kinalaman sa guniguni tungkol sa kamatayan.
Dalit – Ito ay tulang nagpaparangal sa Dakilang Lumikha at may kahalong pilosopiya sa buhay.
2. Tulang Pasalaysay (narrative poetry) – Ito ay naglalahad ng makukulay at mahahalagang tagpo sa buhay tulad ng pag-ibig, pagkabigo at tagumpay. Naglalahad din ito ng katapangan at kagitingan ng mga bayani sa pakikidigma.
Uri ng Tulang Pasalaysay
a.Epiko – Ito ay nagsasalaysay ng kagitingan ng isang tao, ang kanyang pakikitunggali sa mga kaaway at mga tagumpay niya sa digmaan. Hindi kapanipaniwala ang ibang mga pangyayari at maituturing na kababalaghan.
b.Awit at kurido – Ito ay tungkol sa mga paksang may kinalaman sa pakikipagsapalaran ng mga kilalang tao sa mga kaharian tulad ng hari, reyna, prinsipe, prinsesa, duke, konde at iba pang dugong mahal na ang layunin ay palaganapin ang Kristiyanismo. Ang mga awit at kurido ay dala rito ng mga Kastila.
c.Karaniwang Tulang Pasalaysay – Ang mga paksa nito ay tungkol sa mga pangyayari sa araw-araw na buhay.
3. Tulang Patnigan (joustic poetry) – Kabilang sa uring ito ang karagatan, duplo at balagtasan
4. Tulang Pantanghalan o Padula – Katulad din ito ng karaniwang dula, ang kaibahan lang, ito ay binibigkas ng mga tauhan ang kanilang mga diyalogo sa paraang patula. Maaaring isama sa uring ito ang mga tulang binibigkas sa sarswela at komedya.
Mga Sangkap ng Tula
1. Sukat. Ang sukat ay bilang ng pantig sa bawat taludtod sa isang saknong. Ang bawat taludtod ay maaaring magkaroon ng walo, labindalawa, labing-anim, o labingwalong pantig.
2. Tugma. Ang tugma ay pagkakatulad ng tunog ng mga huling pantig sa bawat taludtod. May dalawang uri ng tugma:
a. Karaniwang tugma (ordinary rhyme). Kung ang bigkas na malumay at mabilis o malumi at maragsa ay magkasama sa huling pantig ng mga taludtod sa isang saknong, ito ay karaniwang tugma.
b. Ganap na tugma (exact rhyme). Sa ganap na tugma, ang huling pantig ng bawat taludtod ay nagtatapos sa isang tunog.
3. Kariktan. Ang kariktan ay kagandahan ng isipan at diwang inilalarawan sa tula. Kasama na rin ditto ang kagandahan ng mga pananalitang pinili ng makata upang iangkop sa isipan o diwang ipinahahayag ng mga taludtod.
4. Talinghaga. Ang talinghaga ay mga pahayag na may mga nakatagong kahulugan o di-tuwirang tinutukoy. Maaaring ang sinasabing “naggagandahang bulaklak sa hardin ang aking daigdig” ay ang magagandang dalaga sa kanyang ginagalawang lipunan.